dzme1530.ph

Gobyerno, pinabubuo ng catch-up plan para sa mapabilis ang paggastos ng pambansang pondo

Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang gobyerno na bumuo ng strategic catch-up plan upang mapabilis ang paggastos ng iba’t ibang ahensya upang palakasin ang ekonomiya.

Ito ay sa gitna ng 4.3% economic growth na maituturing na mabagal bunsod ng underspending ng gobyerno.

Bumaba ito mula sa 7.1% sa ikalawang quarter ng taon mula noong nakaraang taon.

Binigyang-diin ni Gatchalian na mas maiintindihan pa niya kung ang mga naging balakid sa paglago ng ekonomiya ay external factors tulad ng pagbagal ng paglago ng China o ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine.

Subalit kung ito anya ay dahil sa mabagal na paggasta ng pondo, maari itong magawan ng paraan.

Una nang inihayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na mayroon nang inilabas na circular ang budget department na nag-aatas sa lahat ng ahensya ng gobyerno na magsumite ng kani-kanilang plano para matugunan ang mga bottleneck at maabot ang financial target para sa taon.

Napansin din ni Gatchalian ang pagkaantala sa mga pagbabayad na dapat gawin ng gobyerno, kabilang na para sa mga unibersidad at kolehiyo ng estado. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author