May nakahandang contigency plan ang gobyerno ng Pilipinas para sa paglilikas sa mga Pilipino sakaling lumala ang tensyon sa Lebanon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inihayag ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na sa oras na itaas ang Alert level 4 sa Lebanon ay ipatutupad na ang mandatory evacuation.
Sinabi ni de Vega na iba-biyahe ang mga Pinoy sa karagatan at hindi sa mga paliparan, at aarkila ang gobyerno ng barko na susundo sa kanila sa pantalan sa northern Lebanon patungo sa Europa.
Maaari rin umano silang idaan sa Syria na katabi ng Lebanon, habang handa rin ang Overseas Workers Welfare Administration na magpadala ng rapid response team.
Kaugnay dito, muling hinikayat ang nasa 11,000 Pilipino sa Lebanon na samantalahin na ang voluntary repatriation ng gobyerno habang hindi pa malala ang sitwasyon at bukas pa ang mga airport.
Tiniyak naman ng DFA na may sasalubong na tulong sa mga uuwing OFW tulad ng reintegration program ng Dep’t of Migrant Workers. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News