Nakakakilabot na ang malawak na operasyon ng iligal na POGO sa bansa. Ito ang binigyang-diin ni Senador Grace Poe sa gitna ng panibagong POGO Hub na natagpuan ng mga awtoridad sa Porac, Pampanga.
Sinabi ni Poe na batay sa pagtaya ng mga awtoridad, kailangan nila ng mahigit pang isang linggo para inspeksyunin ang buong pasilidad sa ni-raid na iligal na POGO hub sa Porac dahil napakalawak ng lugar.
Binigyang-diin ng senador na nagiging malaking gastos na din para sa pamahalaan dahil sa bawat operasyon laban sa POGO ay milyon ang ginagastos ng mga awtoridad para sa kinakailangang mga tauhan, pagkain, shelter ng mga narescue, deportasyon, paghahain ng kaso sa korte at iba pag gastusin.
Kaya para sa sendora, sapat na ang mga nasaksihan sa mga niraid na POGO na nagpatunay na mas marami itong perwisyong dala sa bansa kaysa kabutihan.
Muling nananawagan si Poe sa gobyerno na maglabas na ng patakaran na nagbabawal sa POGO sa bansa.
Ito ay upang tuluyan nang matigil ang iligal na aktibidad ng mga POGO at matitigil ang malaking paggastos ng gobyerno na maaari nang ilaan sa social services para sa mga nangangailangan nating kababayan.