Magtatayo ang administrasyong Marcos ng cold storage warehouses na patatakbuhin ng solar power, para sa ani ng sibuyas sa bansa.
Ayon kay Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang cold storage facilities ang magiging imbakan ng mga labis na maaaning sibuyas tuwing peak harvest season, upang hindi ito kailanganing kaagad ibenta ng mga magsasaka.
Sinabi rin ni Marcos na dahil mahal ang kuryente sa bansa, ang cold storage warehouses ay magkakaroon ng bagong disensyo kung saan gagamit ito ng solar power.
Naniniwala ang pangulo na sa pamamagitan nito, magiging pantay-pantay na ang presyo ng sibuyas sa panahon man ng tag-araw o tag-ulan.
Tiniyak naman ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na maraming solar-powered cold storage facilities ang itatayo at mapaglalaanan ito ng kaukulang pondo.