dzme1530.ph

Gobyerno, hinimok na umaksyon sa kaguluhan sa Israel nang may pang-unawa

Umaasa si Senador Imee Marcos na ang anumang desisyon at aksyon ng pamahalaan kaugnay sa kaguluhan sa Israel ay ibabatay sa malawakang pang-unawa sa mga kasalukuyang pangyayari at sa kasaysayan.

Ipinaalala ni Marcos na ang gulong ito ay hindi ilang araw pa lang nangyari kundi malalim ang pinagmulan sa daan-daang taon nang nakalilipas.

Nararapat anya na pantay na tingnan ang pakikibaka ng mga Israeli at Palestino, na hindi maaaring ituring na simpleng kwento lang ng laban ng mabuti at masama.

Binigyang-diin ng senador na isa na naman itong matagalang pandaigdigang digmaan na walang katiyakan kung may agaran at mapayapang solusyon.

Babala pa ng mambabatas na pangmatagalan ang magiging epekto ng ating foreign policy o posisyon sa dayuhang ugnayan subalit ang pangunahing layunin ay ang kaligtasan ng halos nasa 25,000 manggagawang Pilipino, mga turistang Pinoy, pilgrims sa Israel ngayon, gayundin ng mahigit sa 2-M Pinoy sa buong Middle East at North Africa na pipiliing ipagpatuloy ang kanilang hanap-buhay doon sa mga darating pang taon.

Kahit malayo anya ang Pilipinas sa lugar na pinangyayarihan ng gulo, hindi pa rin tayo ligtas sa karahasan.

Ipinaliwanag ni Marcos na bilang kaalyado ng Estados Unidos na nangako ng suportang militar sa Israel, nahaharap tayo sa panganib na gantihan ng mga nakikiramay sa mga Hamas militants habang tumatagal ang digmaan.

Halos lahat din anya ng ating suplay ng langis ay mula sa Gitnang Silangan kaya’t posible tayong maapektuhan kahit pa nangako kamakailan ang anim na bansang miyembro ng OPEC na hindi mapapatid ang kalakalan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author