dzme1530.ph

GOBYERNO, HINIMOK NA PABILISIN PA ANG TRANSITION SA PAGGAMIT NG ELECTRIC VEHICLES

Loading

IGINIIT ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat pang pabilisin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mga hakbang para sa mas malawak na paggamit ng mga electric vehicles sa bansa.
 
Ayon kay Gatchalian, positibong hakbang ang pakikipag-usap ng administrasyon sa isang malaking Japanese car company na interesadong magtayo ng EV manufacturing sa Pilipinas.
 
Binigyang-diin ng senador na matagal na niyang isinusulong ang paglipat sa mas malawak na paggamit ng EVs upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa inaangkat na langis at maprotektahan ang ekonomiya laban sa mga pandaigdigang energy shocks.
 
Upang mapabilis ang transisyon, inihayag ni Gatchalian ang pangangailangan ng mas malalakas na insentibo para sa mga mamimili at mga manufacturer.
 
Kabilang sa mga mungkahi ang pagbibigay ng preferential o zero-interest loans para sa mga bibili ng EVs, paglilibre ng toll, at pagkakaloob ng libreng driving lessons para sa mga bagong EV drivers.
 
Idinagdag pa ni Gatchalian na dapat din tiyakin ng pamahalaan ang maayos na pagtupad sa mga insentibong ipinangako sa mga manufacturer upang hikayatin ang mas maraming pamumuhunan sa lokal na industriya ng electric vehicles.

About The Author