dzme1530.ph

Gobyerno, hinimok na doblehin ang aksyon upang maiwasang madagdagan ang Filipino casualty sa Israel

Pinadodoble ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla ang pagsisikap ng gobyerno upang maiwasang madagdagan pa ang bilang ng mga Pilipino na nagbuwis ng buhay sa gitna ng kaguluhan sa Israel.

Sinabi ni Revilla na dapat tiyakin ng gobyerno na wala kahit isa ang maiiwan sa gitna ng kaguluhan.

Iginiit ng senador na nakalulungkot ang impormasyon na dalawa sa ating mga kababayan sa Israel ang nasawi at nakikidalamhati ito sa pamilya ng mga biktima.

Muling nanawagan ang mambabatas sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW), gayundin sa buong pamahalaan, na tiyakin na nasa mabuting lagay na ang iba pa nating mga kababayan doon na maaari pang labis na maapektuhan.

Kailangan na anyang kumilos ang administrasyong Marcos para sa paglikas sa iba pa nating kababayan sa naturang bansa.

Ipinaalala ni Revilla na krusyal ang bawat oras na lumilipas para mailigtas ang mga Pinoy sa Israel kaya dapat gamitin ang lahat ng pagkakataon at oportunidad para madala sila sa mabuting kalagayan.

Kaugnay nito ay nagpasalamat si Revilla sa mga tauhan ng DFA, DMW at iba pang ahensiya ng pamahalaan dahil sa kanilang serbisyo sa mga OFW sa mga panahong tulad nito. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author