Nanindigan si Senador Jinggoy Estrada na may sapat na pondo ang gobyerno para maisakatuparan ang pag-uwi sa ating mga Pilipino na nasa Israel.
Sinabi ni Estrada na may P8.9-B na Emergency Repatriation Fund (ERF) ang Department of Migrant Workers (DMW) para ngayong taon at nasa P693.5-M o 7% pa lamang ang nagagamit dito.
Iginiit ng senador na nasa kabuuang P9.1-B ang nakaantabay na gastusin para tustusan ang agarang pagpapauwi ng mga kababayan na apektado ng giyera sa Israel.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Estrada ang pangangailangan ng agarang tulungan ng pamahalaan ang mga OFW na nasawi sa pag-atake ng Hamas sa Israel.
Nais ni Estrada na matiyak na makakarating sa pamilya ng mga nasawi at mga biktima ng kaguluhan sa Israel ang tulong mula sa gobyerno.
Nagpahayag naman ng pakikisimpatiya at taos pusong pakikiramay sa pamilya ng dalawang Pinoy na nasawi ang senador kasabay ng paghimok sa mga ito na tatagan ang kanilang loob sa pagsubok na ito.
Hinimok din ni Estrada ang mga Pinoy sa Israel na agad na makipag-ugnayan sa embahada sa Tel Aviv para sa agarang tulong at impormasyon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News