dzme1530.ph

Gobyerno, hindi dapat manghina sa pagsugpo sa katiwalian

Loading

Iginiit ni Sen. Panfilo Lacson na hindi dapat manghina ang gobyerno sa pagsugpo sa korapsyon sa likod ng mga maanomalyang proyekto sa imprastraktura.

Kabilang sa mga hakbang na hindi dapat bitiwan ng gobyerno ang panukalang Independent People’s Commission (IPC), na maaaring maging kapalit ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ayon kay Lacson, kahit limitado ang kapangyarihan ng ICI, marami pa rin itong nailalabas na mahahalagang impormasyon na nakatutulong sa Ombudsman at Department of Justice (DOJ) sa pagbuo ng matitibay na kaso laban sa mga sangkot.

Aminado si Lacson na nagtataka siya sa tila panlalamig ng Malakanyang sa panukalang pagsusulong ng pagtatatag ng IPC.

Tinukoy niya ang mga ulat kung saan binanggit ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na maaaring dumoble ang trabaho ng IPC sa ginagawa na ng Ombudsman at DOJ.

Sinusuportahan ni Lacson ang mabilis na pag-apruba ng Senate Bill 1512 na lumilikha sa IPC, na magkakaroon sana ng mga kapangyarihang wala sa ICI, kabilang ang witness immunity at protection, na mahalaga upang hindi mabiktima ang whistleblowers ng counter-charge at harassment suits.

Binanggit din nito na si ICI head Andres Reyes Jr. mismo ang naghayag ng pangamba tungkol sa posibleng pagsasampa ng counter-charges laban sa mga testigo.

Sinabi rin ni Lacson na bagama’t may subpoena powers ang ICI, wala itong kapangyarihang mag-contempt sa mga tumatangging sumunod, gaya ni Davao City Rep. Paolo Duterte, na tinanggihan ang imbitasyon ng ICI sa dahilan na wala raw itong hurisdiksiyon sa kanya.

About The Author