dzme1530.ph

Gobyerno, dapat magkaroon ng konkretong plano sa pagtugon sa traffic congestion

Dapat magkaroon ng konkretong plano ang gobyerno kung paano lulunasan ang lumalalang traffic situation sa bansa, hindi lamang sa Metro Manila.

Ito ang binigyang-diin ni Senate Majority Leader Joel Villanueva bilang reaksyon sa panawagan ng Business Group Management Association of the Philippines na ideklara ang State of Traffic Calamity dahil sa napakalaking nawawala sa ekonomiya o pagkalugi  ng mga negosyo dahil sa malalang problema sa trapiko.

Sinabi ni Villanueva na inihain na niya ang Senate Resolution No. 859 noong isang taon na nananawagan sa mga concerned agencies tulad ng Department of Transportation, Metropolitan Manila Development Authority at Department of the Interior and Local Government upang rebisahin ang kanilang mga plano laban sa matinding pagsisikip ng trapiko sa bansa.

Ipinaalala ng senador na batay sa TomTom Traffic Index, naitala ang Metro Manila bilang world’s worst metro area traffic noong 2023.

Lumitaw din anya sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency na aabot sa ₱6-B kada araw ang mawawalang kita sa bansa pagsapit ng 2030 dahil sa traffic congestion.

Idinagdag pa ni Villanueva na ito ang dahilan kaya’t isinabatas ang Work-from-Home Law upang matulungan ang mga kumpanya na magkaroon ng flexible work  arrangements sa halip na palaging bumiyahe ang mga empleyado.

Panahon na rin anyang aralin ang panukala para sa gradual conversion ng public buses sa electric vehicles upang matulungan ang mga commuter.

About The Author