Iginiit ni Sen. Sherwin Gatchalian na kailangan ng puspusang pagkilos ng ating pamahalaan o ang mga awtoridad para mabuwag ang criminal syndicates na nag- o-operate sa bansa upang makapagrecruit ng kunwari ay para sa overseas employment subalit nagiging drug mules.
Ito ay makaraang igiit na nakakaalarma na may 2 Pinay ang muntik nang maging drug courier sa Malaysia at naisalba ng National Bureau of Investigation.
Ayon kay Gatchalian, ang naturang insidente ay indikasyon na kailangan ng masusing koordinasyon ng NBI at iba pang law enforcement agencies sa kanilang counterpart overseas para sa paglaban sa drug trafficking at iba pang transnationsal crimes na bumibiktima ng mga kaawa-awa nating mga kababayan na naghahanap ng mapapasukang trabaho sa ibayong dagat.
Dapat din aniyang palakasin ng Department of Migrant Workers, Department of Foreign Affairs, Inter-Agency Council Against Trafficking, at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang mga hgakbangin para protektahan ang overseas Filipino workers na mabiktima ng krimen tulad ng drug trafficking.