Bumubuo na ng plano ang gobyerno ng Pilipinas para sa pagpapauwi sa mahigit 400 Pilipino sa Lebanon na nais nang bumalik ng bansa sa harap ng tensyon.
Sa interview sa sidelines ng ASEAN Summit sa Laos, inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sa Zoom meeting kasama ang mga pinuno ng mga kaukulang ahensya, tinalakay kung papaano mapauuwi ang mga Pinoy sa lalong madaling panahon.
Bukod dito, may direktiba na rin umano sa mga may-ari ng barko na huwag munang dumaan sa mga delikadong lugar na apektado ng tensyon.
Sa kabila nito, sinabi ni Marcos na sa ngayon ay nananatili sa Alert level 3 ang sitwasyon sa Lebanon, at ang pagtataas ng Alert level 4 ay naka-depende sa magiging assessment ng Dep’t of Foreign Affairs.
Mababatid na kapag idineklara na ang Alert level 4, magkakaroon na ng mandatory o sapilitang paglilikas sa mga Pinoy. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News