dzme1530.ph

Gobyerno at telcos, hinimok na paigtingin pa ang kampanya sa sim registration

Habang nalalapit na ang July 25 sim registration deadline, kinalampag ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe ang mga ahensya ng gobyerno at mga telecommunication companies na paigtingin pa ang kanilang kampanya para rito.

Iginiit ni Poe na dapat matiyak ng mga telco na mairerehistro ang lahat ng sim numbers bago matapos ang deadline.

Kailangan anyang resolbahin ang mga problema sa registration lalo na sa mga sim users mula sa mga liblib na lugar, mga matatanda at PWDs.

Binigyang-diin ng senador na malaking tulong ang sim registration upang mailigtas ang publiko sa mga modus ng mga scammers na hanggang ngayon ay namamayagpag.

Idinagdag pa ng mambabatas na kasabay ng pagsusulong ng digitalization sa mga transaksyon, mahalaga rin na ang anumang komunikasyon ay nagmumula sa lehitimong source at hindi mula sa unregistered SIM.

Samantala, ipinaalala ni Poe na kahit mairehistro na ang may 100 milyong sim, wala pa rin anyang sapat na dahilan ang mga awtoridad upang magrelax laban sa mga scammers at mga manloloko. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author