![]()
Pinapalakas ng Globe ang broadband at 5G network nito sa pamamagitan ng Free Space Optics (FSO), isang laser technology na naghahatid ng fiber-like internet speeds nang hindi na kailangan ng kable.
Sa pakikipagtulungan ng Singapore-based Transcelestial Technologies sa pamamagitan ng Fiber Infrastructure and Network Services Inc. (FINSI), inilalatag ng Globe ang solusyong ito sa buong bansa upang palakasin ang network transport at broadband capacity.
Gumagamit ang FSO ng laser light beams para magpadala ng data sa hangin, na nagbibigay-daan sa mabilis at maaasahang koneksyon, lalo na sa mga lugar na mahirap maabot ng fiber cables. Napatunayan na ang teknolohiya sa mga pilot projects sa Visayas at Mindanao at sa mga malalaking kaganapan tulad ng Philippine Arena noong 2024.
Noong Agosto 2025, nilagdaan ng Globe at Transcelestial ang kasunduan para pabilisin ang paggamit ng wireless laser communication sa Pilipinas. Kasama sa partnership ang deployment ng Centauri laser devices para sa last-mile connectivity, mobile backhaul, at event-based network requirements.
Kasalukuyan ring inaaral ang Legolas long-distance laser links na kayang magpadala ng data hanggang 15 kilometers at target maging operational sa 2026.
Ayon kay Gerhard Tan, Senior Director at Head of Technology Strategy and Innovations ng Globe, bahagi na ng standard network infrastructure ng Globe ang FSO at makatutulong ito sa pagpapalawak ng high-speed internet sa mas maraming Pilipino.
