dzme1530.ph

Ginastos na confidential funds ng OVP, triple noong 2023

Triple ang ginastos na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong nakaraang taon.

Ayon sa Commission on Audit (COA), lumobo sa ₱375 million ang nagamit na confidential funds ng OVP noong 2023, mula sa ₱125 million na ginastos sa loob lamang ng 11-araw noong 2022.

Sinabi ng state auditors na ang confidential expenses ay para sa ligtas na pagpapatupad ng iba’t ibang proyekto at aktibidad sa ilalim ng good governance program, socio-economic program delivery, at official engagements sa international at domestic events, alinsunod sa direktiba ng Pangulo.

Bukod sa confidential expenses, nadiskubre ng COA na tumaas din ang travel expenses ng OVP noong nakaraang taon.

Mula sa ₱20.11 million noong 2022 na pinagsamang gastos nina Duterte at pinalitan niya na si Leni Robredo, umakyat sa ₱42.58 million ang travel expenses ng OVP sa ilalim ni VP Sara noong 2023.

Sa naturang pigura, ₱31.43 million ang ginastos sa domestic travel habang ₱11.5 million ang ginamit sa mga biyahe sa labas ng bansa. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author