Matapos ang mahabang pagtalakay, nagpasya ang mayorya ng mga Senador na ipaubaya na sa Senate Committee on Foreign Relations ang pagsisiyasat kaugnay sa sinasabing gentleman’s agreement ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China kaugnay sa West Philippine Sea.
Ang kumite ay pinamumunuan ni Senador Imee Marcos.
Ang pagsisiyasat ay batay sa resolution na inihain ni Sen. Risa Hontiveros na nag-giit na dapat mabusisi ang usapin upang hindi na magkaroon ng mga ganitong isyu sa mga susunod na panahon.
Kasabay nito, umalma si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga batikos sa kanya online na nagsasabing isinasantabi niya ang pagsisiyasat.
Ipinaliwanag ni Zubiri na ayaw niyang maging political issue ang usapin dahil ang mga ayaw imbestigahan ang isyu ay tinataguriang Pro-Duterte habang ang mga nagsusulong ng pagsisiyasat ay Pro-Marcos.
Samantala sa patuloy na panghaharas ng China sa West Philippine Sea, pabirong sinabi ni Zubiri na gamitan na ng tubig mula sa poso negro ang mga barko ng China.