Nais ni Senador Sherwin Gatchalian na ipasaklaw sa pondo ng Department of Education (DepEd) o ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang gastos para sa national certification test ng mga Senior High School graduates.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education sa proposed Batang Magaling Act, napuna ni Gatchalian na sa 486,000 Technical Vocational and Livelihood Strand graduates noong School year 2021-2022, nasa 127,796 lamang ang kumuha ng pagsusulit o katumbas ng 25.7%.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa pamamagitan ng national certification ay maaari nang makapag-apply ng trabaho ang senior high school graduate na naayon sa kanyang pinag-aralang strand.
Sa paunang tantya, posibleng kailanganin ng P300-M pondo para sa libreng pagsusulit ng mga senior high school graduates.
Ipinaliwanag ng senador na kakarampot lang ito kumpara sa malaking pondo ngayon ng TESDA at DepEd.
“It is an investment but it is a good investment because if you look at the passing rate, 97% ang passing rate, so why not spend that money to give them certificate,” pahayag ni Gatchalian.
Dahil dito, nakatakdang isulong ni Gatchalian sa susunod na budget deliberations na maisama ang national certification test sa popondohan ng mga ahensya ng gobyerno.