dzme1530.ph

Gastos ng mga pasaherong naiwanan ng eroplano dahil sa mahabang interview sa airports, dapat ibalik ng BI

Iginiit ni Senador Chiz Escudero na dapat i-reimburse ng Bureau of Immigration (BI) ang travel expenses ng mahigit 32,000 pasaherong na-offload sa kanilang mga flight dahil sa haba ng interrogation ng immigration officers sa mga paliparan.

Sinabi pa ni Escudero na dapat ding papanagutin ang mga immigration officers sa abalang naidulot sa mga pasahero.

Iginiit ng senador na dapat ipinauubaya na ng immigration officers sa bansang pupuntahan ng mga biyahero ang pagsusuri sa kanilang hotel accommodation o insurance.

Ipinaalala pa ng senador na bago maisyuhan ng visa ang mga babiyahe ay tiningnan at hiningi na lahat ng mga kinakailangang requirement ng mga embassies.

Dahil dito, hindi nakikita ng senador ang pangangailangan na muli itong iprisinta sa immigration officers sa airports.

Kaya naman hiniling ni Escudero sa mga kasamahan na maglagay ng probisyon sa 2024 National Budget para sa reimbursement ng travel expenses ng 32,404 na pasaherong na-offload.

Icha-charge anya ito sa immigration fees na kinokolekta ng Immigration. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author