Dapat magkaroon ng full blown investigation ang Armed Forces of the Philippines at maging ang Senado kaugnay sa mga pag-abuso ng ilang sundalo sa kanilang mga asawa at pamilya.
Ito ang binigyang-diin ni Ginang Tessa Luz Aura Reyes Sevilla, asawa ni General Ranulfo Sevilla sa gitna ng patuloy niyang pagharang sa confirmation sa promosyon nito.
Sinabi ni Ginang Sevilla na hindi lamang siya ang nag-iisang asawa na nakararanas ng pang-aabuso kundi marami pang ibang mga maybahay.
Subalit ang problema anya ay ang sistema ng AFP dahil tila hindi nila nabibigyan ng sapat na atensyon ang mga ganitong kaso at pinagpapasa pasahan pa ang mga ginang na lumalapit sa kanila upang ireklamo ang kanilang mga asawa.
Naniniwala si Ginang Sevilla na mahalagang magkaroon ng institutional reform sa AFP upang matiyak na maiaayos ang sistema sa pagtugon sa mga problema ng mga inaabusong asawa.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Ginang Sevilla na kahit tumugon ang kanyang asawa sa obligasyon na magbigay ng sustento sa kanilang mag-iina ay patuloy pa rin niyang tututulan ang promosyon nito.
Iginiit ng ginang na hindi simpleng pera ang usapin at sa halip ay ang usaping moral ng isang ipopromote bilang heneral.
Tanong pa ng ginang sa Commission on Appointments kung ipopromote ang isang umano’y wife beater, abuser at adulterer.