dzme1530.ph

Fuel subsidies para sa PUV drivers at mga magsasaka, magpapatuloy sa ilalim ng Proposed 2024 Budget

Muling pinaglaanan ng alokasyon ng administrasyong Marcos sa Proposed 2024 National Budget, ang fuel subsidies para sa mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon at agrikultura.

Ayon sa Department of Budget and Management, P2.5-B ang inilaan sa Department of Transportation para sa pamamahagi ng fuel subsidies sa public utility vehicle operators at drivers.

Sa ilalim nito, ipinamamahagi ang P6,000 na halaga ng fuel voucher sa mga kuwalipikadong PUV, taxi, tricycle, ride-hailing, at delivery service drivers upang maibsan ang kanilang gastusin sa harap ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo.

Samantala, P1-B naman ang alokasyon para sa fuel assistance program ng Department of Agriculture, kung saan ang mga kuwalipikadong magsasaka at mangingisda ay tatanggap ng P3,000 na fuel discounts.

Tinitiyak ng DBM na palalakasin ng Proposed 2024 Budget ang purchasing power ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagsusulong ng food sufficiency at pagpapababa ng gastos sa logistics at transportasyon. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author