Pinalawig ng Court of Appeals (CA) ang kanilang freeze order sa bank accounts at properties ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Apollo Quiboloy hanggang sa Pebrero sa susunod na taon.
Ito, ayon sa isa sa mga abogado ng religious group na si Dinah Tolentino, bagaman wala pa aniya silang natatanggap na kopya ng naturang kautusan.
Kinumpirma naman ito ng Anti-Money Laundering Council, sa pagsasabing, batay sa resolusyon na may petsang Aug. 20, 2024, inextend ng appellate court ang freeze order ng anim na buwan o hanggang sa Feb. 6, 2025.
Una nang naglabas ang CA ng 20-day freeze order noong Aug. 6 para sa 10 bank accounts, 7 real properties, 5 sasakyan, at 1 eroplano, ng puganteng pastor.
Saklaw din ng kautusan ang bank accounts ng KOJC at ang Swara Sug Media Corporation na nag-o-operate ng Sonshine Media Network International, na media arm ng KOJC. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera