Malaking tulong sa mga matatalino subalit mahihirap na estudyante ang bagong batas kaugnay sa Free College Examination Act o ang Republic Act 12006.
Ito ang binigyang-diin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero matapos itong mag-lapse into law o abutin ng lagpas 30- araw sa lamesa ng Pangulo nang walang aksyon.
Ayon kay Escudero, nakatanggap siya ng kumpirmasyon mula kay Exec. Sec. Lucas Bersamin na nag-lapse into law na ang Senate Bill 2441 noong June 14.
Si Escudero ang sponsor sa panukala sa Senado noong siya pa ang chairman ng Senate Committee on Higher Education.
Ipinaliwanag ng Senate President na layon ng batas na ito na pagaanin ang pasaning pinansyal ng mga deserving na estudyante na nais makapag-aral sa pribadong higher education institutions (HEIs).
May ilan anyang entrance exam fees na katumbas na ng isang araw na kita ng isang manggagawa kaya naman sa tulong ng batas na ito ay umaasa ang senate leader na wala nang pamilya ang magugutom ng isang araw kapalit ng examination fee.
Sinabi ni Escudero na saklaw ng waiver na ito ang anumang pribadong HEI sa Pilipinas at sa ilalim ng bagong batas ay binibigyan ng kapangyarihan ang Commission on Higher Education (CHED) na parusahan ang mga opisyal o empleyado ng private HEI na tatangging sumunod sa probisyon ng btas na ito.
Ang batas aniyang ito ay isang hakbang para gawing mas accessible ang edukasyon para sa lahat ng mga Pilipino.