Kumpiyansa si Sen. Ronald dela Rosa na haharapin ni dating Pang. Rodrigo Duterte ang imbestigasyong ikakasa ng Senado kaugnay sa sinasabing gentleman’s agreement na pinasok nito sa gobyerno ng China kaugnay sa West Philippine Sea.
Sinabi ni dela Rosa na posibleng matuwa pa nga si Duterte sakaling ipatawag ng Senado sa imbestigasyon bagama’t hindi pa niya nakakausap ang dating Presidente.
Sinabi ni dela Rosa na kilala naman ang personalidad ni Duterte na palaban at kung guguluhin ang kanyang pananahimik ay tiyak na magpapakita ang dating Pangulo.
Hindi rin tutol ang senador sa ikinakasang imbestigasyon ng Senado tungkol sa isyu upang malaman na rin ang katotohanan dito.
Una nang naghain ng resolusyon si Sen. Risa Hontiveros upang ipasilip sa Senado ang kasunduan ng dating Pangulo sa China na tinawag niyang pagtataksil sa soberanya ng bansa.