Bahagyang tumaas ang tensyon sa pagdinig ng House Quad Committee sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon nang pagbantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sasampalin at kalaunan ay inambahang batuhin ng mikropono si dating Senador Antonio Trillanes IV.
Sa isang break sa QuadComm hearing, kagabi, hinawakan ni Duterte ang kanyang mikropono at akmang ibabato kay Trillanes makaraang hamunin siya ng dating senador na lumagda sa isang bank secrecy waiver.
Naungkat ang bank secrecy waiver matapos igiit ni Trillanes na ang bank accounts ng dating Pangulo at mga kaanak nito ay konektado umano sa mga drug lord.
Napigilan naman si Duterte ng kanyang abogado na si dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Martin Delgra III habang napatayo rin ang iba pang mga abogado, gaya nina dating Presidential Spokesperson Salvador Panelo at dating Executive Secretary Salvador Medialdea.
Hinarangan naman para protektahan nina dating Quezon City Rep. Jose Christopher Belmonte at Father Flavie Villanueva si dating Senador Leila De Lima na nakaupo sa tabi ng dating Pangulo.
Kalaunan ay humingi ng paumanhin sa komite si dating Pangulong Duterte dahil sa kanyang naging asal at tinanggap naman ito ng mga mambabatas. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera