Sa kabila ng mga pag-amin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon siyang mga pinapatay na tao, hindi agad siya masasampahan ng kaso ng Department of Justice o ng sinuman.
Ito ang binigyang-diin ni Senate President Francis Escudero kasabay ng paliwanag na kailangan ng ebidensya sa mga kaso ng pagpatay at dapat din na may mga biktima o mga kamag-anak na magsasampa ng kaso.
Maaari naman anyang magsagawa ng motu proprio investigation ang DOJ at sila rin ang magsasampa ng kaso subalit kailangan pa rin ng katibayan mula sa mga pamilya ng biktima.
Sa pagdinig ng Quad Comm ng Kamara, inamin ni Duterte na may anim o pito siyang pinatay noon siya pa ang mayor ng Davao habang noong Pangulo na siya ng bansa ay nagbibigay siya ng reward sa mga pulis na nakakapatay ng drug suspects.
Sa nauna namang hearing sa Senado, inamin ni Duterte na mayroon siyang death squad sa Davao City at hinikayat niya ang mga pulis na engganyuhin ang mga kriminal na manlaban upang may dahilan silang patayin.
Kumpiyansa naman si Escudero na sineseryoso ng DOJ ang pagsisiyasat sa mga pahayag ni Duterte at agad nila itong aaksyunan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News