Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na muling nakalabas ng bansa si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Ayon sa BI, umalis si Garma kagabi mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng isang commercial flight bilang turista.
Ang biyahe ay halos isang araw lamang matapos nitong dumating sa Pilipinas mula Estados Unidos noong Sabado.
Matatandaang tinanggihan ng U.S. government ang asylum application ni Garma, dahilan para kanselahin ang kanyang visa at idetine ito ng U.S. Immigration sa California noong Nov. 2024.
Si Garma ay nasa ilalim ng Immigration Lookout Bulletin Order simula pa noong Nov. 15, 2024 kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa kanya noong 2016 at 2020.
Ayon sa BI, agad nilang iniulat sa Department of Justice ang pag-alis ni Garma alinsunod sa tamang procedure.
Binigyang-diin ng ahensya na walang umiiral na hold departure order o warrant of arrest laban sa dating PCSO chief.