Nilinaw ni Department of Environment and Natural Resources Undersecretary Carlos Primo David na maganda pa ang forest cover sa ilang bahagi ng Metropolis partikular na sa Quezon City.
Sa panayam ng DZME 1530, ang Radyo Uno, sinabi ni Usec. David na aktibo pa ang mga natural park at watershed ng bansa ngunit kailangan pang paramihin ito.
Aktibo naman aniyang ipinatutupad ng Marcos Administration ang Executive Order no. 193 o ang Enhance National Greening Program (ENGP) na nilagdaan noon pang November 12, 2015.
Layon nitong i-rehabilitate ang lahat ng natitirang hindi produktibo, denuded at degraded forestland na tinatayang nasa 7.1 milyong ektarya mula sa taong 2016 hanggang 2028.
Dagdag nito nakikita din ng DENR ang pangangailangan para sa reforestation sa urban areas, na aniya ay mahirap dahil sa kakulangan ng public spaces.
Sa ngayon, pinaplano ng kanilang ahensya na pagandahin pa ang mga public park sa urban areas sa pamamagitan ng paglalagay ng maraming puno para maging pangunahing pasyalan ng mga Pilipino lalo na ngayong tag-init.