Umaasa ang ASEAN Business Advisory Council (ASEAN-BAC) Philippines na magdadala ng malaking oportunidad ang pagho-host ng bansa sa ASEAN Summit sa susunod na taon upang ipakita sa rehiyon na patuloy na nilalabanan ng Pilipinas ang korapsyon sa gitna ng kontrobersiya sa flood control projects.
Ayon kay ASEAN-BAC Philippines Chairperson Joey Concepcion, marami nang tanong mula sa mga foreign investor tungkol sa naturang isyu. Binigyang-diin nito na kailangang mapatunayan ng bansa na hindi ito corrupt upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan.
Naniniwala rin si Concepcion na magbibigay ng panibagong kumpiyansa ang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit at magsisilbi itong daan sa mas matibay na pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor para sa pagpapatupad ng mga reporma.