‘Chicken Feed’ lamang o maliit lang ang magiging impact ng isinusulong na Economic Cha-cha sa pagresolba sa matinding kahirapan sa bansa.
Ito ang binigyang-diin ni Constitutional Framer Dr. Bernardo Villegas sa paggiit na hindi ito ang tamang panahon upang amyendahan ang 1987 Philippine Constitution.
Sinabi ni Villegas na ang Foreign investment sa advertising at education ay hindi maituturing na Capital intensive at hindi makapagpapataas ng Foreign direct investment at hindi makapagpapababa sa Poverty rate.
Sa halip, sinabi ni Villegas na mas makabubuting tumutok ang bansa sa pagpapalakas sa agricultural sector na hindi naman nangangailangan ng Foreign ownership sa lupa.
Sa panig naman ni Senate Sub-committee on Constitutional Amendments Chairman Sonny Angara, natalakay na rin nila sa debate sa pag-amyenda sa Public Service Act ang mga limitasyon sa Foreign equity sa mga Public utilities.
Tiniyak nila ang 60-40% Foreign equity limitation sa Public Utilities tulad ng distribution at transmission of electricity, petroleum at petroleum products, pipeline transmission systems, water pipelines distribution systems, waste water pipeline systems, seaports at public utility vehicles.
Iginiit ni Angara na mahalaga ang limitasyong ito para sa national interest at matiyak ang equitable access sa essential services para sa lahat ng Pinoy.