![]()
Nanindigan si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na kailangang may malinaw at foolproof na safeguards upang maiwasan ang abuso at political patronage sa panukalang ₱6.793 trilyong national budget.
Sinabi ni Lacson na dapat matiyak na walang anumang political interference sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), sa pondo para sa farm-to-market roads, at sa kahilingan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maibalik ang mga ibinawas sa kanilang budget.
Ipinaliwanag ng senador na pinag-aaralan niya ang mga safeguard na ilalatag sa panukalang budget bago siya magpasiyang pumirma sa bubuuing bicameral committee report.
Una nang sinabi ni Lacson na hindi siya pipirma para sa ratipikasyon ng budget bill kung hindi itatama ang mga probisyong nagbibigay ng malalaking halaga sa MAIFIP at sa mga posibleng maanomalyang farm-to-market roads.
Ayon kay Lacson, nagkaisa sila ng mga kapwa senador sa majority bloc na ang karagdagang pondo ay dapat mapunta sa Department of Health at sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang tugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng mamamayan.
Sa isyu naman ng farm-to-market roads, sinabi ni Lacson na patuloy pang pinag-aaralan ang mga karagdagang safeguard upang matiyak ang integridad ng mga proyekto.
Tungkol naman sa kahilingan ng DPWH na maibalik ang ibinawas sa kanilang budget, sinabi ni Lacson na kailangang linawin ng ahensya na nagkamali ito sa kanilang mga computation, dahil ibinatay lamang ng Senado ang pagbabawas sa mga nauna nilang pahayag.
