Aminado si Sen. Sherwin Gatchalian na malayo pang makamit ng bansa ang 100% food security.
Ipinaliwanag ng senador na kung ang magiging batayan ay ang domestic production ng pagkain lalo na ng bigas ay malayo pa ang tinatawag na food security dahil hanggang ngayon 5% ng ating bigas ay ating inaangkat.
Subalit kung isasama sa kalkulasyon ang mga kasunduan sa ibang bansa tulad sa Vietnam at India kung saan tayo umaangkat ng bigas ay tiniyak ng senador na sasapat na ang suplay o masasabing self sufficient naman ang bansa.
Binigyang-diin ni Gatchalian na hindi man natin kaya pang maproduce ang sariling 100% ng bigas, ay maituturing pa ring secured tayo dahil sa mga kasunduan na pupuno sa kakulangan ng ating suplay.
Sa kabilang dako, iginiit ng senador na dapat maabot ng Pilipinas ang 98% ng rice production upang mas lumiit ang rice importation at mas magiging secure sa sariling suplay ng pagkain.
Maigi aniyang magkaroon ng sariling kakayahan na punan ang suplay ng pagkain dahil sa mga ganitong sitwasyon tulad ng El Niño o kaya ay matinding pagbaha ay may pagkakataong humihinto sa pag-eexport ang ibang bansa.