dzme1530.ph

Flood-control projects sa Davao region, ipinamamadali na ng Pangulo

Ipinamamadali na ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang flood-control projects sa Davao region, sa harap ng nagsimulang panahon ng tag-ulan at nagbabadyang pagpasok ng La Niña.

Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng presidential assistance sa Tagum City Davao del Norte ngayong araw ng Huwebes, binigyan ng direktiba ng pangulo ang Dep’t of Public Works and Highways na bilisan na ang pag-kumpleto ng mga nalalabing flood control projects sa rehiyon.

Ibinida naman ni Marcos ang disensyo ng flood control projects na may mekanismo rin sa pag-iimbak ng tubig para sa irigasyon at sa suplay ng tubig sa mga bahay, habang lalagyan din ito ng solar panels.

Samantala, ipinagmalaki rin ng pangulo ang iba pang proyektong pam-imprastraktura sa Davao na inaabangan nang matapos, tulad ng Mawab-Maragusan-Caraga Road, Carmen-Tagum City Coastal Road, Tagum City Bypass Road, at Mindanao Railway Project Phase 1.

Isasaayos din ang new Visayas-Tulalian farm-to-market road na magpapabilis ng paghahatid ng mga produkto mula sa mga sakahan tungo sa merkado, habang itatayo rin ang pitong palapag na ospital sa Tagum City na tatawaging Davao Regional Medical Center.

About The Author