dzme1530.ph

Flood control projects ng gobyerno, palpak — Villanueva

Tinawag ni Sen. Joel Villanueva na palpak ang mga flood control projects sa gitna ng patuloy na paglala ng pagbaha sa bansa sa tuwing may bagyo.

Kasabay nito, iginiit ni Villanueva na kailangan talagang imbestigahan ang flood control projects ng pamahalaan dahil hindi anya katanggap tanggap na sabihing sadyang malakas ang ulan at maraming tubig ang ibinuhos kaya bumaha.

Ipinaalala ng senador na halos nasa isang bilyong piso kada araw ang ginagastos ng gobyerno sa mga flood control projects.

Iginiit ni Villanueva na mahalagang makita kung saan napupunta ang pondong nakalaan para sa mga proyektong ito.

Partikular na nais tanungin ng mambabatas ang Department of Public Works and Highways sa mga proyektong ito dahil sila ang implementing agency habang mayroon din anyang flood control programs ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Agriculture at Metropolitan Manila Development Authority.

Kaugnay nito, naniniwala rin ang senador na dapat may managot sa usaping ito.

Kahapon ay nag-ikot si Villanueva sa iba’t ibang munisipalidad sa kanyang lalawigang Bulacan upang mamahagi ng ayuda sa mga naapektuhan ng kalamidad kung saan kinailangan pa niyang sumakay ng bangka dahil patuloy pa ring lubog sa baha ang ilang lugar.

About The Author