Nagbabala si Sen. Sherwin Gatchalian na aalisan ng alokasyon ang flood control projects ng Department of Public Works and Highways sa susunod na taon.
Ito ay kung matuklasan ng Senate Committee on Finance na walang laman o ampaw ang mga proyekto at hindi magiging epektibo sa pagkontrol sa baha.
Sinabi ni Gatchalian na hindi magdadalawang-isip na i-zero budget ang flood control programs at ilipat na lamang sa pagpapatayo ng mga school building ang panukalang P274 billion para sa 2026.
Iginiit ng senador na hindi maaaring nagsasayang ng pondo sa mga palpak na proyekto laban sa baha habang kulang na kulang ang mga silid-aralan.
Suportado naman ni Gatchalian ang fraud audit ng Commission on Audit sa flood control projects subalit nanawagang dapat isagawa ito sa lahat ng proyekto sa buong bansa.
Dapat aniyang mabungkal ang lahat ng palpak na proyekto upang kasuhan ang mga dapat managot.