Malaking dagok sa kabuhayan ng mga lokal na mangingisda ang floating barriers na inilagay ng China sa Bajo de Masinloc.
Ito ang binigyang-diin ni Senate Majority Leader Joel Villanueva kasabay ng panggi-giit na hindi gawa-gawa o kathang isip ang pambabastos at kawalan ng respeto na ginagawa ng China sa ating soberanya.
Kaya naman aminado si Villanueva na nakapagdududa na kung kaibigan pa ang turing ng China sa Pilipinas.
Naninidigan ang senador na sakop ng Exclusive Economic Zones (EEZ) ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc na 124 nautical miles lamang ang layo sa Zambales.
Ayon pa kay Villanueva, dapat nang iprayoridad ang agarang pagpasa ng Philippine Maritime Zones Act na naglalayong ideklara ang maritime zones na nasa pamamahala ng Pilipinas kabilang ang internal waters, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, EEZ at continental shelf.
Samantala, binigyang-diin ni Senador Francis Tolentino na labag sa international law ang paglalagay ng China ng floating barriers sa Bajo de Masinloc kaya dapat itong maalis kaagad.
Ayon kay Tolentino, ang Pilipinas lang ang pwedeng maglagay ng ganitong palatandaan kung merong oil spill o bahagi ng aquaculture management bilang temporary measure. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME