Inaprubahan ng Senado ang resolusyon na kumikilala at nagbibigay papuri sa mga miyembro ng Filipinas Women’s Football Team para sa makasaysayang panalo nito laban sa New Zealand na host country ng FIFA Women’s World Cup 2023.
Inadopt ng mga senador ang Senate Resolution 715 bilang recognition sa historic at phenomenal performance ng Philippine Women’s National Football Team sa FIFA 2023.
Personal pang pinasalamatan at binigyang pagkilala ng mga senador ang mga myembro ng Filipinas team lalo’t ang Women’s World Cup ang kauna-unahang debut ng bansa sa FIFA Football Competition.
Ibinahagi naman ni Senator Pia Cayetano, head ng delegasyon ng Pilipinas, ang kanilang naging karanasan sa loob ng Wellington Regional Stadium kung saan ang makasaysayang unang goal ng bansa ay nagbigay ng lubos na kasiyahan at karangalan sa mga Pilipino.
Kahit kakaunti anya ang mga Pilipino na nasa stadium ay hindi nagpatinag ang mga ito na iparinig sa ibang mga lahi ang sigaw ng suporta at kasiyahan ng bansa sa nakamit na tagumpay.
Binanggit din sa sponsorship speech ng senadora ang historical na first goal ni Sarina Bolden at ang solid defense ni Olivia McDaniel na nagpanalo sa laban sa New Zealand.
Sinabi pa ni Cayetano na kahit natalo na ang bansa sa sumunod na laban nito sa Norway ay naging masaya pa rin ang koponan dahil sa overall great experience ng Filipinas team na naghatid ng karangalan at joy and pride sa bansa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News