Sinita ng Commission on Audit ang sablay na feeding program ng DepEd sa panahon ni VP Sara Duterte.
Sa budget hearing lumutang ang COA report ukol sa mga inaamag na nutribun, nabubulok na food item, hindi maayos na package ng pagkain, at kahina-hinalang manufacturing at expiration date ng food items sa ilalim ng DepEd Feeding Program noong 2023.
Sa 2023 COA audit report, pinansin ang 21 School Divisions Office sa iba’t ibang lugar, na nakaranas ng delay o hindi na-deliver sa oras ang pagkain at gatas sa ilalim ng P5.69-B School Based Feeding Program (SBFP).
Sa mismong lugar ni Education Sec. Sonny Angara sa Aurora, nakita ng state auditors ang pest o insekto sa loob ng Karabun o Milky bun at squash E-nutribun.
Sa Bulacan mga bulok na pagkain ang nakita, habang 1,000 piraso ng E-nutribun sa Misamis Oriental ang sinauli sa suppliers mula Sept. 2023 to Jan. 2024 dahil sa inaamag at discoloration kahit hindi pa abot ng expiry date.
Sa Iligan City pinagdudahan ang dinalang food item dahil sa magkaiba ang expiry date sa kahon at mismong produkto, habang hindi naman pumasa ang packaging sa Quezon City.
Sa 10 rehiyon, sinabi ng auditors na marami ang late dumating o wala talagang delivery ng gatas sa buong school year. —sa panulat ni Ed Sarto