Aminado si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na lumala ang paglipana ng fake news sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Sa paglulunsad ng Media and Information Literacy Campaign sa Pasay City, inihayag ng Pangulo na naging mas mapanganib ang fake news noong panahon ng pandemya dahil marami ang nagbibigay ng mga payo na nakasasama sa halip na makabuti sa mga tao.
Bukod dito, nagdulot din umano ng kalituhan sa publiko ang mga magkakaibang pananaw kaugnay ng pagsusuot ng face mask, at pagpapa-bakuna.
Kaugnay dito, naniniwala si Marcos na sa pamamagitan ng Media and Information Literacy Campaign ay magagabayan na ang mga Pilipino sa pagtukoy sa kung ano ang totoo, ispekulasyon, propaganda, o purong kasinungalingan.
Matatandaang noong kasagsagan ng pandemya ay naglipana ang kabi-kabilang mga ispekulasyon kaugnay ng umano’y masamang epekto ng pagpapa-bakuna. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News