dzme1530.ph

Export ng Guimaras mangoes, inaasahang tataas sa paggagawad ng ‘geographical indication’ sa produkto

Good news sa bansa ang pagkakadeklara sa mangga mula sa isla ng Guimaras bilang kauna-unahang geographical indication (GI).

Ang GI ay distinctive sign ng pagkilala sa kalidad at reputasyon ng produkto mula sa orihinal na lugar na pinanggalingan nito.

Naniniwala si Senador Sonny Angara na ang pagkilalang ito ay isang malaking oportunidad para sa mga produktong Pinoy.

Bilang awtor ng Senate Bill 1868 o ang Protected Geographical Indications Act, sinabi ni Angara na ang GI grant sa Guimaras mango ay malaking pagkakataon upang makilala sa pandaigdigang merkado ang ating mga pananim na may mataas na kalidad, gayundin ang iba pang produkto ng bansa.

Kamakailan ay inaprubahan ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) ang aplikasyon ng Guimaras Mango Growers and Producers Development Cooperative (GMGPDC) sa GI registration.

Bunga anya ito ng isang dekadang pagpupursige ng organisasyon na mabigyan-diin na ang Guimaras mangoes ang may pinakamataas na kalidad kung ang pag-uusapan ay ang pinagdaanan nitong pagproseso ng pagtatanim, pag-aani, pag-iingat, packing at storage.

Kumpiyansa si Angara na dahil sa pagkilalang ito ay tataas ang demand sa produkto at tataas din ang  kita ng mango farmers mula sa Guimaras.

Sa katunayan ay mayroon nang export offers mula sa mga bansang Czech Republic, Dubai at South Korea matapos pumatok ang paunang dalawang toneladang Guimaras mangoes sa Switzerland noong 2022. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author