Magsisilbi si Exec. Sec. Lucas Bersamin at dalawa pang Cabinet officials bilang caretakers habang nasa biyahe sa Washington, D.C., si Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ayon kay Bersamin, ang dalawang opisyal na makakatuwang niya bilang caretakers ay sina Justice Sec. Jesus Crispin Remulla at Agrarian Reform Sec. Conrado Estrella III.
Sinabi ng Punong Kalihim na ang direktiba ng Pangulo ay ipagpatuloy ang trabaho habang ito ay nasa biyahe, at magkaroon ng constant communication sa lahat ng oras na malayo ito sa bansa.
Kahapon ay lumipad si Pangulong Marcos patungong Amerika para sa isang official visit, kabilang na ang meeting kay US President Donald Trump.
Nakatakda ring makausap ng Pangulo sina US Defense Secretary Pete Hegseth at Secretary of State Marco Rubio.