Ikinalugod ng mga senador ang pagpapalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Executive Order para sa tuluyang pag-ban sa mga POGO sa bansa.
Sa kabilang dako, sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na marami pang dapat linawin sa kautusan.
Una aniya ay kung exempted ang mga PAGCOR-operated and licensed casinos sa pagpapatakbo ng offshore online games of chance gayundin kung sakop ng ban ang CEZA at iba pang economic zones.
Nakahain na aniya sa Senado ang Anti-POGO Act of 2024 at titiyakin niyang sa periods of interpellation and amendments na ay mapupunuan ang mga gaps at butas.
Sinabi naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na pinatunayan ng kautusan ang commitment ng gobyerno na protektahan ang mamamayan sa anumang pang-aabuso at mabawasan ang kriminalidad sa bansa.
Nangako naman si Sen. Joel Villanueva na ipagpapatuloy ang pagsusulong ng Senate Bill No. 2752 o ang Anti-POGO Act at Senate Bill No. 1281 o ang Anti-Online Gambling Act, na naglalayong ibasura ang lahat ng uri ng e-gambling sa bansa.
Sinabi ni Villanueva na pagtitibayin ng legislative action anh polisiya ng ehekutibo laban sa POGO.
Umaasa naman si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na hindi pababayaan ng mga ahensya ng gobyerno ang mga apektadong kababayan nating manggagawa lalo na’t malinaw sa kautusan ng Pangulo na bibigyan sila ng kaukulang tulong para makapagsimula muli at magkaroon ng disenteng trabaho. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News