![]()
Pinasususpendi ni Capiz Rep. Howard Guintu ang pagkolekta ng “excise tax” sa produktong petrolyo.
Sa inihain nitong House Bill No. 7638, binanggit ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo ay nagpapahirap sa negosyo at pamilyang Pilipino.
Partikular na apektado nito ang sektor ng transportasyon na may epekto rin sa daloy ng pagkain at serbisyo.
Sa panukala, ihinto muna ng gobyerno ang pagkolekta ng excise tax sa leaded and unleaded gasoline, aviation turbo jet fuel, kerosene, diesel, fuel oil at iba pang katulad na produkto na ginagamit sa manufacturing at production.
Sa ilalim ng train law, P10.00 ang excise tax sa kada litro ng gasolina; P6.00 sa diesel, P5.00 sa kerosene, at P3.00 sa kada kilogram ng LPG.
Sa paliwanag ni Guintu, ang pag suspindi sa fuel excise tax ay makakatulong para ma-stabilize ang presyo na magbubunga ng pagbaba ng transportasyon at produksyon.
Sa pag-aaral, ang excise tax ay nagpapataas sa “general prices” at “poverty incidence” dahil sapol nito ang transport workers at iba pang vulnerable sectors.
