![]()
Hinamon ni Sen. Sherwin Gatchalian si dating Cong. Zaldy Co na humarap sa Senado at harapin ang mga akusasyon laban sa kanya.
Sinabi ni Gatchalian na mahalaga ang physical presence upang panindigan ang naging mga pahayag nito kasabay ng paghaharap ng matitibay na ebidensya.
Sa kabilang dako, sinabi ng senador na kailangan ding beripikahan ang video at ang nilalaman nito.
Bagama’t personal namang dumalo sa pagdinig si dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, kailangan pa rin aniyang suriin ang lahat ng mga impormasyong ibinigay nito.
Samantala, naging emosyonal si Bernardo habang binabanggit ang papel ni dating DPWH Sec. Manuel Bonoan sa katiwalian.
Naiyak si Bernardo nang banggitin nitong mataas ang kanyang pagtingin kay Bonoan na itinuturing niyang mentor at matagal niyang naging kaibigan.
Nakita ring matindi ang naging pag-iyak ni Bernardo nang makaharap niya sa session hall ng Senado ang chief of staff ni Sen. Jinggoy Estrada na niyakap pa nito at panandaliang kinausap.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Bernardo na malapit niyang kaibigan si Estrada na kanyang nakilala sa pamamagitan ni dating Sen. Bong Revilla.
Samantala, isinumite na ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ang nakuha nilang ledger na naglalaman ng mga pangalan ng mga personalidad na nakinabang sa kanilang mga proyekto.
Kabilang sa mga muling pinangalanan ni Curlee ay sina Congressmen Roman Romulo, Marvin Rillo, Dean Asistio, Patrick Vargas, Marivic Co-Pilar at Jojo Ang.
Kasama rin sa tinukoy ni Curlee sina dating DPWH Undersecretaries Terrence Calatrava at Roberto Bernardo.
