dzme1530.ph

Ex-Presidential Spox Trixie Cruz-Angeles, sinuspinde ng Korte Suprema sa pagiging abogado

Sinuspinde ng Korte Suprema si dating Presidential Spokesperson Trixie Cruz-Angeles mula sa pagsasanay ng batas sa loob ng anim na buwan.

Ito ay dahil sa paggamit nito ng hindi wastong lengguwahe sa pagsampa ng pleadings sa korte.

Habang ni-reprimand o nabigyan din ng verbal warning ang co-counsel ni Angeles na si Atty. Ahmed Paglinawan.

Sa notice na ibinaba ng Supreme Court-Third Division, hinatulang “guilty” ang dalawa sa paglabag sa Rule 8.01, Canon 8, ng Code of Professional Responsibility (CPRA) ng mga abogado.

Noong May 10, 2016, nagsumite ng complaint si Atty. Roderick Manzano, na humihiling na ipa-disbar sina Angeles at Paglinawan dahil umano sa paglabag sa CPRA.

Ayon kay Manzano, nilabag ng dalawa ang naturang batas sa paggamit nito ng mapang-abuso at hindi kaaya-ayang pananalita sa paghain nila ng plead para sa kanilang kliyente sa Metropolitan Trial Court sa Quezon City noong 2016.

Hindi naman na nagsumite ng motion for reconsideration si Angeles laban sa mga reklamo sa kaniya.

Samantala, sinabi ng Korte Suprema na hindi nagkamali ang Integrated Bar of the Philippine (IBP) ng rekomendasyon na suspendihin si Angeles dahil lumampas ito sa pinapayagang “forms of speech”. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author