Naghain ang anak ni dating Presidential Spokesman, Atty. Harry Roque ng petition for the writ of amparo sa Supreme Court laban sa Quad Committee ng Kamara at sa isinasagawang imbestigasyon sa illegal operations ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Itinuturing ng House Quad Committee ang dating opisyal sa panahon ng Duterte administration, bilang “pugante” bunsod ng hindi nito pagdalo sa hearings kaugnay ng umano’y pagsasangkot niya sa Lucky South 99.
Una nang na-cite in contempt si Roque ng House Quad Comm dahil sa kabiguan nitong isumite ang mga dokumentong may kinalaman sa iligal na POGO sa Porac, Pampanga.
Sa inihaing petisyon, hiniling ni Bianca Hacintha Roque sa Korte Suprema na maglabas ng temporary restraining order upang mapigilan ang apat na komite sa Kamara na ipatupad ang warrant of arrest laban sa dating presidential spokesman.
Inihirit din ni Roque sa kataas-taasang hukuman na pagbawalan ang Quad Comm na obligahin siyang magsumite ng anumang dokumento at padaluhin sa mga susunod na hearings o meetings. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera