Tatlo pang kongresista ang nagsabi na may pananagutan si ex-Pres. Rodrigo Duterte, anak na si VP Sara, at Sen. Ronald dela Rosa sa pagbibigay proteksyon kay Pastor Apollo Quiboloy.
Kumbinsido sina 1-Rider Rep. Rodge Gutierrez, House Deputy Majority Leader Jude Acidre, at Assistant Majority Leader Paolo Ortega V, na ang tatlong ito ay may papel sa pagtatago ng KOJC leader ng ilang buwan.
Ani Gutierrez na isang abogado, kung totoo na may prior knowledge ang mag-amang Duterte at Sen. Dela Rosa, sa kinaroroonan ni Quiboloy, salig sa batas ay may pananagutan ang mga ito.
Department of Justice na umano ang bahalang magpasya kung kakasuhan sila.
Para naman kay Acidre, ngayong nakakulong na si Quiboloy, ituon na ang pansin sa pagpapanagot dito para maigawad na ang hustisya sa mga naging biktima ng Pastor.
Nais namang malaman ni Ortega kung dapat din managot ang mga KOJC member na nagkanlong at humarang sa pag-aresto kay Quiboloy. —sa panulat ni Ed Sarto