dzme1530.ph

Ex-Pres. Duterte, itinangging tumanggap siya at ang anak na si VP Sara ng mga armas kay Pastor Quiboloy

Itinanggi ni dating pangulong Rodrigo Duterte na tumanggap siya at ang kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte ng mga armas mula kay Kingdom of Jesus Christ (KJC) Founder Apollo Quiboloy.

Tanong ng former president, bakit pa si Pastor Quiboloy ang magbibigay ng baril sa kaniya at saan ito kukuha.

Ginawa ng dating Pangulo ang pahayag makaraang tumestigo ang isang alyas “Rene” sa Senado noong Pebrero 19, na nasaksihan nito si Duterte at anak na si VP Sara na nakakuha ng bag na naglalaman ng mga baril galing sa kontrobersyal na religious leader.

Una nang pinabulaanan ni VP Sara ang isyu, at sinabi na ito ay pag-atake laban sa kaniya ng mga nais na maging susunod na presidente ng Pilipinas.

Nabatid na iniimbestigahan ng Senado si Pastor Quiboloy dahil sa umano’y sekswal na pang-aabuso sa mga miyembro ng KJC at large-scale human trafficking.

About The Author