Hindi dadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng House Quad Committee sa drug war killings sa ilalim ng kanyang panunungkulan, ngayong Martes.
Pahayag ito ng kanyang legal counsel na si Martin Delgra III, kasabay ng pagsasabing dadalo ang dating Pangulo sa mga susunod na hearing.
Sa liham na naka-address kay House Quad Comm Lead Chairman, Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ipinaliwanag ni Delgra na bukod sa short notice na ibinigay sa kanyang kliyente na kadarating lamang sa Davao City mula sa Metro Manila noong Oct. 17, ay masama rin ang pakiramdam ng dating Pangulo dahil na rin sa edad at pagod mula sa mga dinaluhan nitong aktibidad.
Inihayag naman ni Delgra na posibleng dumalo si Duterte sa mga susunod na pagdinig ng quad comm, pagkatapos ng Nov. 1.
Una nang ibinulgar ni Retired Police Colonel Royina Garma na inatasan siya ng dating Pangulo na maghanap ng opisyal na magpapatupad ng “davao model” ng war on drugs sa national scale, kung saan nakapaloob ang “reward system” na hanggang ₱1-M kapalit ng pagpaslang sa mga suspek. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera