Nasabat ng PNP-Anti-Cybercrime Group ang isang international mobile subscriber identity-catcher (IMSI) catcher o text blaster sa isang dating security guard sa Pasay City.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni ACG Dir. Brig. Gen. Bernard Yang na nahuli ang suspek sa isinagawang entrapment operation matapos pumayag ito na ibenta sa kawani ng ACG ang IMSI catcher sa halagang ₱450,000.
Ayon pa sa opisyal, nabili ng suspek ang text blaster sa dati nitong amo na konektado sa isang scam hub na siya namang ibinebenta nito sa social media platform na Facebook.
Ang nasabing IMSI catcher ay kayang magpadala ng text blast sa loob ng 500-meter radius, bagay na nagagamit naman sa phishing scam.
Dagdag pa ni Yang, ito ang kauna-unahang nakarekober sila ng parehong equipment mula sa operasyon ng POGO.
Babala ng ACG, posibleng maraming katulad ng ganitong device mula sa mga binaklas na POGO ang pinapangambagang magamit sa eleksyon.
Nahaharap naman ang nahuling sekyu sa kasong paglabag sa Data Privacy Act, NTC Law, at Cybercrime Act.