Sa gitna ng patuloy na pag-init ng usapin sa mga anomalya sa flood control projects, nagtataka si Senador Francis “Chiz” Escudero kung bakit tila mga senador lamang ang nadiriin at tila iniiwas ang pagdawit kay Rep. Martin Romualdez na para sa kanya ay siyang tunay na mastermind sa mga iregularidad.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Escudero na malinaw na nilillihis ang galit ng taumbayan at ginagawang panakip butas at fall guy ang mga senador palayo sa Kamara.
Iginiit nitong klaro aniya ang script na ipitin ang tatlong DPWH officials at banggitin ang mga senador habang pinagtatakpan ang mga kongresista na tunay na kasabwat nila.
Kaya naman nanawagan si Escudero sa liderato ng Senado na huwag sumunod sa script at pasagutin ang lahat ng pinangalanan sa imbestigasyon kasama si Romualdez.
Ikinuwento pa ni Escudero na noong 2023 budget deliberations pa lamang ay kinuwestyon na niya kung bakit mas malaki pa ang inilalaang pondo sa flood control projects kumpara sa Department of Agriculture.
Sa budget ng 2025 aniya ilang beses din siyang tinanong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa flood control projects at naniniwala itong dahil sa kanyang inilahad kaya nagdesisyon ang Punong Ehekutibo na i-tag bilang for later release ang ilang alokasyon.
Kinumpirma rin ni Escudero ang naunang pahayag ni Cong. Toby Tiangco na ginamit ni Romualdez ang mga isinusulong na alokasyon ng mga kongresista para isulong ang anya’y unconstitutional impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginamit aniya ni Romualdez ang usapin sa pondo para pumirma ang mga kongresista sa reklamo.
Gayunman, nabigo pa rin si Romualdez na ipalabas ang pondo dahil hindi na pumayag si Pangulong Marcos.
Sa huli, nananawagan si Escudero sa lahat na gawing patas ang imbestigasyon at paharapin ang lahat ng mga idinadawit.